Matagumpay na nabawi ng mga opisyales ng Barangay Awang sa bayan ng Datu Odin Sinsuat Maguindanao del Norte sa tulong din ng Barangay Kapitan ang isang motorsiklo na ninakaw ng motornapper sa isang magsasaka sa naturang bayan.

Kwento ng biktimang magsasaka na si Ariel Pablo, iniwanan lang nito ang kanyang motor sa gilid ng kalsada habang umaani ng kamote sa kanyang taniman sa Awang at ng bumalik ito ay nawala na ang kanyang motorsiklo.

Agad naman nitong naiulat sa BLGU-Awang ang insidente kung kaya’t agad itong nagsagawa ng pagtukoy kung sino ang suspek at marekober ang motor.

Napag-alaman na dinala ng suspek na si Tata Dipatuan ang ninakaw na motor sa Barangay Kilalan, Talitay.

Agad naman na pinuntahan ng mga opisyales ang ninakaw na motor na iniwan ng suspek sa nabanggit na lugar kung kaya’t naibalik ito sa may-ari na si Pablo.

Lubos naman ang pasasalamat ng biktima sa mga nagtulong tulong na mga opisyales ng Barangay upang maibalik ang kanyang motorsiklo na kanyang panghanap buhay bilang magsasaka.