Nabihag ng Police Regional Office 13 (PRO13) ang kabuuang 60 indibidwal, kabilang ang siyam na regional-level Most Wanted Persons (MWPs), sa isinagawang intensified manhunt operations mula Nobyembre 11 hanggang 18 sa iba’t ibang lugar sa rehiyon.

Kabilang sa mga nahuling regional MWPs sina alias “Lito,” 64, ang Top 1 MWP para sa dalawang kaso ng rape at rape by sexual assault; alias “Rey,” 55, Top 2 MWP para sa qualified rape; alias “Kerker,” 28, Top 3 MWP para sa murder; alias “Bong,” 52, Top 4 MWP para sa murder; alias “Jeva,” 50, finance officer ng Guerilla Front 30 at Top 5 MWP para sa arson at paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2003; alias “Onin,” 18, Top 5 MWP rin para sa statutory rape; alias “Lex,” 56, Top 6 MWP para sa rape kaugnay ng RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act; alias “Jud,” 44, Top 8 MWP para sa rape; at alias “Tan,” 22, Top 9 MWP para sa rape by sexual intercourse.

Ayon sa Regional Operations Division 13, nahuli rin ang 23 wanted persons sa Agusan, 22 sa Surigao, at 15 sa Butuan City. Ang mga ito ay wanted para sa crimes against persons, crimes against property, at paglabag sa special penal laws.

Ani PBGen Marcial Mariano P. Magistrado IV, PRO13 director, “Ang mga pag-aresto na ito ay patunay ng aming determinasyon na dalhin sa hustisya ang mga biktima at panagutin ang mga nagtatangkang takasan ang batas. Karapat-dapat ang ating mga komunidad sa pangmatagalang kapayapaan at kaayusan.”