Nakatanggap ng livelihood training at tig-P15,000 na cash ang 90 miyembro ng Badjao community sa Sulu, bahagi ng programa ng Pamahalaang Bangsamoro upang suportahan ang kabuhayan ng sea-gypsy communities.

Isinagawa ang dalawang araw na Basic Business Management at Skills Training sa Seaweed Farming at Pangingisda noong Nobyembre 13–14 sa Barangay Kanaway.

Matapos ang pagsasanay, bawat benepisyaryo ay binigyan ng P15,000 na seed capital at fishing kit na naglalaman ng ice case box, timba, solar lamp, at tote bags para makapagsimula agad sa maliitang negosyo.

Nauna rito, noong Nobyembre 11–12, 60 Badjao sa Panamao ang nakatanggap ng katulad na tulong, habang 34 sa Tapul at 119 sa Maimbung ay nakinabang din sa programang ito sa unang bahagi ng 2025.

Ayon sa opisyal na tala, layunin ng programa na palawakin ang oportunidad pang-ekonomiya ng mga Badjao communities sa pamamagitan ng pagsasanib ng tradisyonal na kabuhayan sa dagat at business training kasama ang kapital na suporta.