Naglabas ng opisyal na fatwa ang Bangsamoro Darul-Ifta’ kaugnay ng pag-inom ng kape na nagmumula sa butil na inilalabas ng hayop sa pamamagitan ng dumi. Ang desisyon ay batay sa masusing pag-aaral ng mga opinyon ng mga naunang iskolar at makabagong eksperto sa larangan ng fiqh at agham.

Ayon sa Darul-Ifta’, bagama’t may ilang iskolar na nagsasabing ang dumi ng mga hayop na karaniwang kinakain ay itinuturing na malinis, umiiral pa rin ang pangunahing prinsipyo sa batas Islamiko na lahat ng lumalabas mula sa “dalawang daanan” ay marumi at maaaring makapinsala.

Ipinunto rin na ang mga nangungunang institusyong pang-jurisprudensiya—kabilang ang mga konseho ng fiqh sa Saudi Arabia at Egypt, ang Islamic Fiqh Council ng Organization of Islamic Cooperation (OIC), at iba pang rehiyonal na pagpupulong sa fiqh—ay matagal nang naglalabas ng desisyong hindi pinapahintulutan ang pag-inom ng civet coffee at mga katulad nito.

Batay sa kanilang pag-aaral, ang kape na nagmumula sa butil na dumaan sa dumi ng hayop ay nagkaroon ng direktang kontak sa najasah o dumi, at hindi ito nawawala kahit pa sumailalim sa paglilinis o pagproseso.

Dahil dito, kinumpirma ng Bangsamoro Darul-Ifta’ na ipinagbabawal sa batas Islamiko ang pag-inom ng kape na nagmula sa dumi ng hayop dahil sa likas nitong karumihan. Layunin ng fatwa na gabayan ang publiko tungo sa ligtas at religyosong wastong konsumo.

Ayon sa Darul-Ifta’, maaaring sumangguni ang publiko sa buong kopya ng naturang fatwa para sa mas detalyadong pag-unawa sa naging batayan ng desisyon.