Apat na dating miyembro ng violent extremist group at dalawampung matataas na kalibre ng armas ang isinuko sa 33rd Infantry (Makabayan) Battalion sa Barangay Zapakan, Rajah Buayan, Maguindanao del Sur.

Ipinresenta ang mga armas sa 601st Brigade sa pangunguna ni Brigadier General Edgar L. Catu. Kabilang sa mga isinurender ang dalawang 60mm mortars, apat na RPG launchers, at 14 na iba’t ibang uri ng high-powered firearms.

Ayon sa 33rd IB, ang pagsuko ay resulta ng nagpapatuloy na negosasyon at community engagement sa mga lugar na dati umanong pinamumugaran ng extremist groups.

Dumalo rin sa aktibidad ang mga kinatawan ng lokal na pamahalaan at ahensya, kabilang sina Roger Dionicio (Acting Provincial Warden ng Maguindanao del Sur), Roger Gormez (LGU-Mamasapano), Omar Sisay (Shariff Saydona Mustapha), Danialan Utap (LGU-Sultan sa Barongis), at Monera Michelle Lumenda (MSSD), na nag-abot ng bigas at cash assistance sa mga sumukong indibidwal.

Sinabi ni Brig. Gen. Catu na ang pagsuko ng apat na dating rebelde at ang turnover ng armas mula sa iba’t ibang bayan ay nagpapakita ng pagbaba ng presensya ng violent extremists sa lalawigan.

Nagpahayag din si Major General Jose Vladimir R. Cagara, Commander ng 6th Infantry Division at JTF Central, na ang pagsuko ay patunay ng epekto ng umiiral na peace initiatives sa rehiyon at hinikayat ang iba pang natitirang kasapi ng armadong grupo na magbalik-loob sa pamahalaan.