Mariing itinanggi ng Chancellor ng Archdiocese of Cotabato na si Rev. Fr. Charlie Celeste, DCC ang mga alegasyong “pumipili lang” umano ng politiko at nananatiling tahimik ang Simbahan sa gitna ng mga isyung kinakaharap ng bansa ngayon.

‎Sa isang pahayag na ibinahagi sa kanyang social media account, sinabi ni Fr. Celeste na matagal nang nagbibigay ng moral na gabay at paninindigan ang Simbahang Katolika sa usapin ng human rights, korapsyon, pang-aabuso sa kapangyarihan, maling paggamit ng impormasyon, at pagprotekta sa dignidad ng buhay.

‎Giit ng pari, hindi umano nawalay ang Simbahan sa mga mamamayan.

‎Ani Fr. Celeste, mula nang siya ay maordinahan, kasama na umano siya sa pakikinig, paggabay, at pakikibaka ng Simbahan sa mga suliraning kinakaharap ng bansa.

‎Dagdag niya, maaaring ang mga bumabatikos ang “wala sa tabi ng Simbahan” sa mga mahahalagang sandali — tulad ng paggunita sa karahasang idinulot ng Martial Law at sa paglabas ng mga pastoral letters ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).

‎Binigyang-diin ni Fr. Celeste na hindi estilo ng Simbahan ang “gumawa ng ingay para lang marinig,” at hindi rin umano ito nakikilahok sa mga taktika ng political bargaining.

‎Ayon sa kanya, ang paninindigan ng Simbahan ay nakaugat sa Ebanghelyo at hindi nakatali sa anumang kampo sa politika.

‎Sa huli, sinabi ng Chancellor na mananatili siyang tapat sa kanyang tungkulin: ang makiisa sa mamamayan, makinig sa kanilang dinadala, at magsalita kapag kinakailangan.