Tinatayang ₱135,943.40 halaga ng smuggled na sigarilyo sa isang lihim na anti-smuggling operation ng Police Regional Office 12 (PRO 12) sa Purok Danggan, Barangay Kablacan, Maasim, Sarangani nitong Nobyembre 20, 2025, bandang 5:42 PM.
Ayon sa ulat, nagsagawa ng covert interdiction ang pinagsanib na puwersa ng Maasim Municipal Police Station, RIU 12, at 1204th Maneuver Company ng RMFB 12 matapos makatanggap ng impormasyon ukol sa ilegal na bentahan ng sigarilyo sa lugar.
Habang nagsasagawa ng surveillance, namataan ng mga operatiba ang isang lalaki na abalang nagsasaayos ng ilang ream ng hinihinalang smuggled cigarettes sa harap ng kanyang tindahan. Nilapitan ng mga pulis ang indibidwal at humingi ng mga dokumentong magpapatunay ng legal na pagmamay-ari o pagbebenta ng mga produkto — ngunit nabigong magpakita ng kahit anong permit.
Dahil dito, inaresto ang suspek na nakilalang si alias “Red”, 33 anyos, isang negosyante at residente ng naturang barangay. Ipinaliwanag sa kanya ang dahilan ng pag-aresto at binigyan ng kanyang karapatang pantao sa lenggwaheng nauunawaan niya.
Kasunod ng pag-secure sa lugar, isinagawa ang maayos na pagmamarka at imbentaryo ng mga nakumpiskang items sa presensya ng suspek at ilang halal na opisyal ng Barangay Kablacan.
Nakumpiska sa operasyon ang 24 reams ng Capital Menthol, 17 reams ng Tabaco One, 28 reams ng Gajah Baru, 31 reams ng New Berlin, 15 reams ng Gudang Bukaka, 10 reams ng King Perfect, 7 reams ng F2, 18 reams ng King Philip, 19 reams ng Dhoom Garam, 2 reams ng Combo Menthol, at 2 reams ng Tabaco Bold, na may kabuuang halaga na ₱135,943.40.
Dinala na si “Red” sa Maasim MPS para sa kaukulang dokumentasyon at imbestigasyon, habang ang mga nakumpiskang sigarilyo ay isusumite sa Bureau of Customs, General Santos City para sa wastong disposisyon.
Sa pahayag ni PBGEN ARNOLD P. ARDIENTE, Regional Director ng PRO 12, “Ang smuggling ay sumisira sa legal na kalakalan at banta sa ekonomiya. Magpapatuloy tayo sa pagsasagawa ng covert at overt operations upang tuluyang mapuksa ang mga ilegal na gawaing ito. Pinupuri ko ang ating mga operatiba sa kanilang kasipagan at propesyonalismo sa matagumpay na operasyong ito.”

















