Naaresto ng Police Regional Office (PRO) 9 ang Top 8 Most Wanted Person sa regional level sa isang intelligence-driven operation na pinangunahan ng 2nd Zamboanga City Mobile Force Company (ZCMFC) at katuwang ang General Tinio Municipal Police Station (PRO 3), Zamboanga City Police Station 12, Regional Intelligence Unit 9, at Technical Support Company ng RMFB 9.

Nangyari ang operasyon sa Panama Drive, Barangay Mampang, Zamboanga City kung saan naaresto ang isang 45-anyos na babaeng negosyante mula sa Mampang. May nakabinbing warrant of arrest ang suspek para sa kasong Estafa through Falsification of Commercial Document, na inisyu ng Municipal Trial Court, General Tinio, Nueva Ecija noong Pebrero 27, 2023.

Dinala ang suspek sa ZCPS 12 para sa dokumentasyon bago ibalik ang warrant sa tamang hukuman.

Pinuri ni Police Brigadier General Edwin A. Quilates, Regional Director ng PRO 9, ang mahusay na koordinasyon ng mga yunit na nagresulta sa matagumpay na operasyon. Aniya, patunay ito ng patuloy na dedikasyon ng PRO 9 sa paghuli sa mga wanted persons at pagpapanatili ng seguridad sa rehiyon.

Dagdag pa niya, ang tagumpay na ito ay ayon sa direktiba ni Acting Chief, PNP, Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr., na palakasin ang operasyon laban sa mga personalidad na mayroong kaso at patuloy na nagtatago sa batas.