Nadakip na ng mga awtoridad ang babaeng sangkot sa pagdukot sa isang bagong silang na sanggol mula sa South Cotabato Provincial Hospital, matapos siyang harangin ng staff at security ng isang pribadong ospital sa Koronadal City kahapon ng hapon.

Nang mapansin ng mga personnel ang kahina-hinalang pagdadala ng sanggol ng suspek, agad nila itong pinigil at inusisa. Doon natukoy na tugma ang kanyang kasuotan at ang bitbit na sanggol sa inilarawan ng pamilya ng nawawala. Kaagad namang ipinagbigay-alam ng ospital sa pulisya ang insidente, at mabilis na inaresto ng Koronadal City Police ang babae.

Mabuti namang nasa maayos na kondisyon ang sanggol matapos ma-rekober. Sumailalim ito sa medical check-up at agad ding naibalik kina Ryan Malinog at kanyang asawa, na lubos ang pasasalamat sa agarang aksyon ng mga otoridad.

Lumabas sa impormasyon mula sa mga kaanak ng pamilya, kabilang si Reybell Maladian Caliawan, na posibleng nakararanas ng post-partum syndrome ang suspek. Ayon sa kanya, nanganak umano ang babae ngunit nawalan ng sanggol matapos umano itong mahulog, dahilan umano ng pagbabago sa kanyang asal. Ibinahagi rin ng pamilya na binilhan pa ng suspek ng mga gamit ang sanggol—lahat kulay asul—kaya naniniwala silang may pinagdaraanan ito.

Napag-alamang mula Lutayan, Sultan Kudarat ang suspek, at doon pa ito nakitulog ilang oras matapos ang pagdukot. Ngayong nasa kustodiya na siya ng Koronadal City Police, iniimbestigahan pa ang tunay na motibo at ang kanyang kalagayang pangkaisipan.

Nahaharap ang babae sa kasong kidnapping and serious illegal detention.