Nasawi on the spot ang isang barbero matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa kahabaan ng Barangay Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao del Sur, kahapon ng umaga, Lunes.

Kinilala ng Mamasapano PNP ang biktima na si Wawi Hassan Pinagayao, residente ng Barangay Libutan sa nasabing bayan.

Ayon sa ulat ng pulisya, nakatanggap sila ng tawag mula sa mga opisyal ng barangay hinggil sa naganap na pamamaril. Pagdating nila sa lugar, natagpuan nila ang biktima na nakahandusay at wala nang buhay matapos magtamo ng tama ng bala sa ulo at dibdib.

Lumilitaw sa imbestigasyon na minamaneho ni Pinagayao ang kanyang itim na Bajaj 125 motorcycle at binabaybay ang daan patungo sa Barangay Rula nang tambangan siya ng mga armadong suspek. Agad namang tumakas ang mga salarin matapos ang krimen.

Nakarekober ang mga imbestigador ng limang basyo ng bala sa pinangyarihan ng insidente.

Patuloy ngayon ang malalimang imbestigasyon at hot pursuit operations ng kapulisan upang matukoy at mahuli ang mga responsable sa pamamaril.