NABUWAG ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region o PROBAR ang aabot sa dalawampu’t limang (25) Potential Private Armed Groups o PPAG’s sa rehiyon na may hight isang daang (100) kasapi mula taong 2023 hanggang sa kasalukuyang taon.
Ito ang isiniwalat ng mga opisyales ng PROBAR sa ginaganap na “KAPIHAN SA BAGONG PILIPINAS” na inorganisa mismo ng PROBAR upang talakayin ang mga programa, serbisyo, polisiya, mga prayoridad ng PROBAR, maging ang mga nagawa ng nasabing regional police office.
Kasabay ng pagkakabuwag ng mga armadong grupo, isinuko rin ng mga ito ang aabot sa animnapu’t pitong (67) mga armas bilang simbolo na sila ay nakikiisa sa pamahalaan at hangad ang iisang layunin na makamit ang kapayaan sa rehiyon.
Ayon kay PROBAR Regional Director PBGen. Prexy Tanggawohn, sinabi nito na sa ngayon may isa pang natitirang PPAG’s na maingat na minomonitor ng PROBAR.
Samantala, nakarekober naman ng abot sa 2,932 ng iba’t ibang uri ng armas ang PROBAR sa mas pinaigting nitong kampanya kontra loose firearms kaugnay na rin sa nalalapit na kauna-unahang Parliamentary Election sa BARMM.