Sinilaban ng isang ina ang kanilang sariling tahanan na ikinamatay niya at ng dalawa niyang batang anak sa Purok 8, Barangay Gumalang, Baguio District, Davao City, kaninang madaling araw, Nobyembre 25, 2025.

Kinilala ang mga nasawi sa alyas Daphne, 35 anyos, at mga anak nitong sina alyas Cara, 6 anyos, at alyas Zee, 2 anyos.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, nagsimula ang sunog pasado alas-2 ng madaling araw at mabilis na kumalat dahil gawa sa light materials ang bahay na may sukat na humigit-kumulang 30 metro kuwadrado. Sa tindi ng apoy, hindi na nakalabas ang mag-iina.

Lumabas din sa imbestigasyon na nag-post pa ang ina bago ang insidente, kung saan ibinahagi nito ang umano’y pagkakaroon ng kabit ng kanyang asawa. Sa kanilang pag-uusap online, sinabi pa ng asawa na mas pinipili nito ang kabit subalit hindi raw niya pababayaan ang kanilang mga anak. Idineklarang fire out ang sunog alas-3:30 ng madaling araw.

Ayon kay FO3 Jason Iguana ng BFP Calinan, posibleng sanhi ng insidente ang substandard o may depektong electrical wiring, at tinatayang umabot sa ₱45,000 ang halaga ng pinsala.

Nagpasya naman ang pamilya ng biktima na huwag nang magsagawa ng SOCO dahil wala silang nakikitang foul play sa nangyaring trahedya.