Arestado ang isang hinihinalang drug personality sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Sarmiento, Parang, Maguindanao del Norte dakong 5:05 ng umaga nitong Nobyembre 25, 2025. Sa operasyon, nasamsam ang humigit-kumulang 30 gramo ng hinihinalang shabu, iba’t ibang baril at bala, pati na rin ang iba pang kagamitan.
Kinilala ang suspek bilang alyas Bansil, 43 anyos, may asawa, negosyante, at residente ng naturang barangay. Nahuli siya matapos makabili ang isang poseur-buyer ng isang sachet ng hinihinalang shabu.

Pinangunahan ang operasyon ng PDEA Maguindanao del Norte, kasama ang iba’t ibang support units mula sa probinsya at BARMM. Ang mga nasamsam na kagamitan ay kinabibilangan ng M4 rifle na may tatlong magazine at kabuuang 89 bala, isang caliber .45 pistol na may magazine at 11 bala, karagdagang 12 pirasong 9mm na bala at isang 7.62mm na bala, dalawang Android phones, isang notebook, limang libong piso na buy-bust money, at personal na gamit ng suspek tulad ng IDs, sling bag, wallet, at lighter.
Dinala si alyas Bansil sa PDEA Maguindanao del Norte para sa dokumentasyon, habang ang lahat ng ebidensya ay minarkahan, in-inventory, kinunan ng larawan, at isinailalim sa tamang proseso alinsunod sa Section 21 ng Republic Act 9165. Kasalukuyan nang inihahanda ng PDEA BARMM ang kaukulang kaso laban sa suspek.


















