Handa na ba ang mga Cotabateño sa halos 12-oras na brownout sa darating na Linggo?

Nagbigay ng advance advisory ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) kaugnay sa nakatakdang power interruption sa buong Cotabato Light franchise sa darating na Linggo, Nobyembre 30, 2025, simula 6:30 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi, na aabot sa halos 11 oras at 30 minuto.

Ayon sa ahensya, ang pagkakaron ng power interruption ay bahagi ng GOMP shutdown ng Kibawe–Sultan Kudarat 138kV transmission line para sa serye ng preventive maintenance at testing activities, kabilang ang pagpapalit ng mga sirang insulators, pagsasaayos ng mga conductor sag, pagsusuri ng mga kagamitan, at pagsusuri ng Automatic Reclosers at iba pang electrical systems.

Layon ng mga aktibidad na ito na masiguro ang ligtas at maaasahang serbisyo sa kuryente sa rehiyon.

Pinapayuhan ang mga residente at negosyo na maghanda sa pamamagitan ng alternatibong pinagkukunan ng kuryente at sapat na suplay ng pagkain at tubig.

Ayon sa Cotabato Light, ang aberyang ito ay lampas sa kanilang kontrol at humihingi sila ng paumanhin sa anumang abala na maaaring idulot sa publiko.