Sugatan ang isang opisyal ng Madaris Education BARMM matapos umanong pagbabarilin sa Barangay Rosary Heights 9, Cotabato City, nitong Nobyembre 27, 2025 bandang alas-10:45 ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Tahir Guimil Nalg, 65 anyos, Director General ng Madaris Education BARMM at residente ng Barangay Tamontaka 1, Cotabato City. Dinala siya agad sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) matapos siyang tamaan sa kanang balikat nito, at iniulat na siya ay may bahagyang sugat lamang.

Ayon sa paunang imbestigasyon, habang sakay ng kanyang silver Fortuner na may plaka GAJ 7977, kasama ang kanyang driver at dalawang escorts, pauwi siya mula sa Da Ar-Uloom Wal Hikma papuntang opisina sa MBHTE, BGC, Cotabato City nang biglang tinarget ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek. Gumamit ang mga ito ng tinatayang cal.45 na baril, at isang cartridge case ang narekober sa harap ng sasakyan.

Agad na iniulat ang insidente sa Cotabato City Police Office (CCPO) at rumesponde ang mga patrol personnel kasama si PCPT Anuar M. Mambatao, Station Commander. Nagsagawa na rin ng lockdown protocol, CCTV backtracking, at pursuit operation upang tukuyin at dakpin ang mga suspek, na umalis sa lugar sakay ng Suzuki Raider 150 patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.

Batay sa paunang pagsusuri ng mga imbestigador, pinaniniwalaang may kinalaman sa trabaho o personal na alitan ang motibo sa pamamaril. Patuloy ang pangangalap ng impormasyon para sa posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek.