Umabot sa 271 loose firearms ang opisyal na isinailalim sa ceremonial destruction kasabay ng pamamahagi ng livelihood assistance sa mga benepisyaryo, sa aktibidad na ginanap nitong Nobyembre 27, 2025 sa Provincial Capitol ng Buluan bilang bahagi ng Small Arms and Light Weapons (SALW) Program.

Ayon kay Brig. Gen. Edgar L. Catu, Commander ng 601st Unifier Brigade, boluntaryong isinuko ang mga armas mula sa iba’t ibang yunit ng kanyang brigade at ng 1st Mechanized Brigade mula sa 15 bayan, bilang bahagi ng kampanya laban sa paglaganap ng loose firearms sa lalawigan.
Matapos ang presentasyon, iniharap ang mga armas kina Gov. Datu Ali Midtimbang at Maj. Gen. Jose Vladimir R. Cagara, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, sa Kalilintad Hall sa kapitolyo.

Dumalo rin sa aktibidad ang mga lokal na opisyal kabilang si Cong. Esmael “Toto” Mangudadatu, Dr. Ferdinand Buscato ng OPAPRU, iba pang opisyal ng lalawigan, kawani ng kapitolyo, at mga kinatawan mula sa PNP at iba pang security forces.
Kasama sa programa ang ceremonial destruction ng mga armas kung saan nilagari at winasak ang mga mataas na kalibre ng baril bilang bahagi ng pagpapatupad ng programa. Kasabay nito, tumanggap ng cash assistance, bigas, at livelihood support ang mga indibidwal na nagsauli ng loose firearms, bilang tulong mula sa pamahalaang panlalawigan, OPAPRU, at SALW component ng programang ASPIRE.

Ayon kay Gov. Midtimbang, mahalaga ang patuloy na partisipasyon ng mga opisyal at komunidad upang mapanatili ang kaayusan sa lalawigan at mabawasan ang panganib mula sa loose firearms.

Binanggit naman ni Maj. Gen. Cagara na ang turnover ng mga armas ay indikasyon ng pagbabago sa kapasidad ng mga dating teroristang grupo at ng koordinasyon ng militar at lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng kapayapaan.
Nagtapos ang programa sa pagkakaloob ng tulong-pangkabuhayan sa mga lokal na lider mula sa iba’t ibang munisipyo bilang suporta sa mga barangay ng Maguindanao del Sur.


















