Sinimulan na ng Commission on Human Rights (CHR) ang masusing imbestigasyon kaugnay ng iniulat na “Operation Supak” sa Barangay Layog, Pagalungan, Maguindanao del Sur noong Nobyembre 11, 2025.
Sa naturang report, sinasabing pinuntahan umano ng ilang opisyal ng barangay—na iniugnay sa direktiba ng alkalde—ang mga bahay ng mga taong pinaghihinalaang miyembro ng LGBTQIA community. Inireklamo rin ang umano’y pagpapapunta sa kanila sa barangay hall at ang sapilitang paghihiwalay sa mga adult same-sex couples na magkasama sa isang tirahan. Sa isang naitalang panayam, iginiit pa ng isang barangay opisyal na ipinagbabawal umano sa batas at sa Islam ang ganitong pagsasama.
Sa inilabas na pahayag, mariing iginiit ng CHR na ang ganitong mga aksyon ay lumalabag sa dignidad at karapatang pantao ng LGBTQIA individuals. Ayon sa komisyon, maaaring ito’y malinaw na diskriminasyon batay sa sexual orientation, na posibleng lumabag sa karapatan sa privacy, seguridad, at pantay na proteksiyon sa batas alinsunod sa Konstitusyon at mga pandaigdigang kasunduang pangkarapatang pantao.
Nilinaw pa ng CHR na walang batas sa Pilipinas na nagbabawal sa dalawang babae o dalawang lalaki na manirahan nang magkasama bilang magkapareha. Sa halip, binigyang-diin ng komisyon ang pagpapatupad ng Safe Spaces Act o Republic Act 11313 na nagbabawal sa homophobic at transphobic acts, at ang Magna Carta of Women na naglilimita sa anumang uri ng diskriminasyon laban sa kababaihan, kabilang ang batay sa sexual orientation.
Dagdag pa ng komisyon, ang Pilipinas ay isang sekular na estado at hindi maaaring gamiting batayan ang relihiyong paniniwala upang magsagawa ng operasyon laban sa sinuman, lalo’t pinapatakbo ito ng mga opisyal ng pamahalaan gamit ang public resources.
Katuwang ang CHR-XII at Bangsamoro Human Rights Commission, nagpapatuloy ang imbestigasyon sa kaso. Hinimok din ng komisyon ang Presidential Special Committee on LGBTQIA+ Affairs, Bangsamoro Rights Commission, at Ministry of the Interior and Local Government (MILG) na magsagawa ng kaukulang pagsisiyasat, tulungan ang mga apektadong indibidwal, at tiyaking mapanagot ang sinumang opisyal kung mapatutunayang lumabag sa batas.
Iginiit ng CHR na lahat ng mamamayan, anuman ang kanilang SOGIESC, ay may pantay na karapatan sa dignidad, proteksiyon, at paggalang sa ilalim ng batas.

















