Tumanggap ang Lanao del Sur ng UNESCO Tree of Peace Statue, na itinuturing na simbolo ng pandaigdigang kapayapaan. Ito ang kauna-unahang probinsya sa Timog-Silangang Asya na nabigyan ng naturang estatwa.

Ang tanso na iskultura ay ipinagkaloob sa probinsya sa ilalim ng pamahalaan ni Gov. Mamintal “Bombit” Adiong, Jr., bilang bahagi ng pagkilala sa mga programa ng lalawigan kaugnay ng kapayapaan at kaunlaran. Kasabay nito, binigyang-diin ang pagkakapili kay Gov. Adiong bilang Gusi Peace Prize International Laureate ngayong taon.

Ayon sa UNESCO, bahagi ang Tree of Peace ng kanilang Road to Peace Program, isang pandaigdigang inisyatibo na naglalayong itaguyod ang kultura ng kapayapaan sa pamamagitan ng edukasyon, siyensya, at kultura.

Sa paglapag ng estatwa, nakahanay ang Lanao del Sur sa ibang lugar sa mundo na may Tree of Peace, kabilang ang Abu Dhabi, USA, Malta, Spain, France, Greece, Germany, at China. Matatagpuan din ang mga ito sa mga unibersidad gaya ng Harvard University, A.T. Still University, Temple University, at Al-Quds University.

Sa kanyang pahayag, binanggit ni Gov. Adiong na ang pagkilala ay sumasalamin sa pagpapatuloy ng mga inisyatiba ng probinsya sa larangan ng kapayapaan.