Tinututukan ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament ang pagpasa ng BARMM districting law sa Disyembre 2025, bilang bahagi ng mandato nito sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law.

Sa inilabas na pahayag ng Office of the Floor Leader at Spokesperson, sinabi ng Parliament na tinutugunan nito ang mga katanungan ng publiko ukol sa estado ng districting process—isang pangunahing rekisito para sa unang regular na parliamentary elections sa Bangsamoro.

Ayon sa BTA, nakikipag-ugnayan na rin ang Commission on Elections para sa paghahanda ng naturang halalan, na itinuturing na mahalaga sa maayos at kredibleng paglipat mula sa interim government patungo sa regular parliamentary system.

Binanggit sa pahayag ang desisyon ng Korte Suprema sa Ali et al. vs. BTA Parliament na nagsasaad na nasa Kongreso ang kapangyarihang magtakda ng iskedyul ng Bangsamoro parliamentary elections. Iginiit ng Parliament na nirerespeto nito ang naturang ruling at nakatutok sa paghahanda para sa unang regular na halalan sa rehiyon.

Kasabay nito, iniulat ng Parliament na may anim na bersyon ng panukalang districting bill na kasalukuyang nasa plenaryo at ipinasa na sa mga komite para sa masusing pag-aaral, harmonisasyon, at posibleng konsolidasyon.

Nagsimula na rin ang serye ng public consultations ukol sa panukalang batas. Unang isinagawa ito sa Bongao, Tawi-Tawi noong Nobyembre 6. Susunod na konsultasyon ay nakatakda sa Disyembre 4 sa Special Geographic Area (SGA), Maguindanao del Sur, at Basilan; at sa Disyembre 7 para sa Maguindanao del Norte, Lanao del Sur, at Cotabato City.

Binigyang-diin ng Parliament na ang districting process ay isinasagawa nang may transparency, due diligence, at malawak na partisipasyon ng publiko, alinsunod sa mga umiiral na batas.

Habang tinatalakay ang districting bill, sabay ding pinag-aaralan ng Parliament ang proposed BARMM Budget Bill for 2026 upang matiyak ang tuloy-tuloy na paghahatid ng mga pangunahing programa at serbisyo sa rehiyon.

Ayon kay Floor Leader at Spokesperson MP Atty. Jet Lim, ang sabayang pagtutok sa districting law at regional budget ay nagpapakita ng pangako ng Parliament sa responsableng pamamahala at inklusibong political transition para sa mga Bangsamoro.

Hinikayat ng BTA Parliament ang publiko at iba pang sektor na makibahagi sa mga konsultasyon at magbigay ng mga rekomendasyon para sa isang makatarungan at representatibong parliamentary districting system.