Nagwakas sa trahedya ang isang insidente ng domestic violence sa Barangay Pinaring, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte matapos mamatay ang isang 17-anyos na babae na pinagsasaksak umano ng sariling asawa noong Nobyembre 30, dakong 3:50 ng hapon.

Ayon sa Sultan Kudarat Municipal Police Station, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen na nag-ulat ng pananaksak sa lugar. Pagresponde ng mga pulis, nakita ang biktimang si alyas “An” na duguan at nagtamo ng maraming saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Agad siyang isinugod sa Cotabato Sanitarium and General Hospital at kalaunan ay inilipat sa Cotabato Regional and Medical Center. Gayunman, idineklara siyang dead on arrival dahil sa tindi ng mga tinamong sugat.

Mabilis na nagsagawa ang pulisya ng hot pursuit operation na humantong sa pagkakaaresto ng suspek na si Akmad Abag, 21-anyos, magsasaka at residente rin ng Barangay Pinaring.

Nasa kustodiya na siya ng SK MPS para sa pagsasampa ng kasong kriminal kaugnay ng insidente.