Isinagawa ang isang Multi-Sectoral Dialogue sa Tanghalang Michael Clark, Notre Dame University, Cotabato City noong Disyembre 1, 2025, bilang bahagi ng selebrasyon ng Mindanao Week of Peace 2025. May temang “Multi-faith in Families and Youth: Hand-in-hand for Peace, Harmony, and Justice in Our Homeland”, layunin ng programa na palakasin ang pagkakaisa at diyalogo sa pagitan ng iba’t ibang relihiyon at komunidad sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Kabilang sa mga dumalo si PBGen. Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng PROBAR, na kinatawan ni PCol. Armando F. Muena, Chief ng RCADD, PRO BAR, at PLTCOL Theng M. Bacal, Chief ng CCADU, sa ilalim ng pamamahala ni PCol. Jibin M. Bongcayao, City Director ng CCPO.

Ang aktibidad ay pinangunahan ng Office of Members of the Parliament Dr. Susana Salvador Anayatin, sa pakikipagtulungan sa Office for Settler Communities ng Office of the Chief Minister at Bangsamoro Transition Authority (BTA). Dumalo rin ang mga kinatawan mula sa seguridad, katutubong pamayanan, settler at Moro communities, civil society organizations, mga lider sa komunidad, akademya, kabataan, kababaihan, at mga faith-based organizations.

Kasama sa programa ang Open Forum/Dialogue, Commitment Signing, at pagpapahayag ng Solidarity Messages, na layong ipakita ang papel ng bawat kalahok bilang co-creator sa proseso ng demokratikong pamamahala. Ayon sa mga organizer, hindi lamang simpleng talakayan ang layunin, kundi ang pagtataguyod ng pangmatagalang pagkakaisa, katarungan, at social healing sa pagitan ng magkakaibang relihiyon at kultura sa rehiyon.