Naglabas ng ulat ang Cotabato City Police Office (CCPO) kaugnay ng kanilang operational accomplishment mula Nobyembre 1 hanggang 30, 2025, na naglalaman ng resulta ng iba’t ibang operasyon laban sa kriminalidad sa lungsod.
Sa datos na inilabas, nakapagsagawa ang CCPO ng 21 anti-illegal drugs operations, na nagresulta sa pag-aresto ng 28 indibidwal at pagkumpiska ng tinatayang ₱3,826,100.00 na halaga ng iligal na droga.
Sa kampanya naman kontra loose firearms, mayroon silang tatlong operasyon, kung saan dalawa ang naaresto at dalawang baril ang boluntaryong isinuko o nadeposito sa pulisya.
Patuloy din ang paghuli sa mga personalidad na may kinakaharap na kaso. Sa ulat, 13 wanted persons ang nadakip ng mga operatiba sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.
Samantala, nagsagawa rin ng dalawang operasyon laban sa ilegal na sugal, kung saan nakumpiska ang humigit-kumulang ₱900 na bet money.
Tungkol naman sa insidente ng pamamaril, tatlong kaso ang naitala sa buwan ng Nobyembre. Isa rito ang nalutas habang dalawang insidente ang patuloy pang iniimbestigahan.
Ang mga naturang accomplishment ay inilabas sa pamumuno ni PCOL Jibin M. Bongcayao, City Director ng CCPO.

















