Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay sa pagkakatuklas ng bangkay ng isang lalaki sa kanal sa Purok Tagumpay, Barangay Poblacion, Tantangan, South Cotabato, pasado alas-5:40 ng umaga noong Lunes, Disyembre 1.
Kinilala ng pamilya ang biktima na si Juan Ogena Roxas Jr., walang trabaho at residente ng Purok Lower Maligaya sa nasabing bayan.
Ayon kay Police Major Romeo Albano, nadiskubre ng mag-asawang sina Alyas Octavio at Olivia ang biktima habang naglalakad sila sa lugar. Natagpuan nila itong nakahiga sa semento, kaya agad nilang iniulat sa Tantangan Police Station.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, huling nakita si Roxas noong hapon ng Nobyembre 30 habang umiinom kasama ang kanyang mga kamag-anak. Iniulat na umuwi siya pasado alas-8 ng gabi matapos uminom ng nakalalasing na inumin.
Sa kasalukuyan, hindi pa matukoy kung may foul play na kinasangkutan sa kanyang kamatayan.
Dinala na ang bangkay sa isang funeral parlor sa Tantangan para sa post-mortem examination upang matukoy ang sanhi ng kanyang pagkamatay.

















