Isang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang matagumpay na nagresulta sa pagbuwag ng isang drug den at pagkakaaresto sa apat (4) na indibidwal sa Malagapas, RH 10, Cotabato City nitong ika-3 ng Disyembre, 2025.
Pinangunahan ang operasyon ng PDEA Maguindanao del Norte Provincial Office, sa tulong ng Regional Drug Enforcement Unit PRO BAR, Regional Intelligence Unit-15, Cotabato City Police Office-CMFC, Marine Battalion Landing Team-6, at Philippine National Police Drug Enforcement Group SOU BAR.

Sa isinagawang operasyon, nakumpiska ang labing-siyam (19) na pirasong heat-sealed na transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu, na may kabuuang timbang na dalawampu’t dalawang (22) gramo at tinatayang nagkakahalaga ng Php 149,600. Kasama rin sa nakumpiskang kagamitan ang iba’t ibang drug paraphernalia, dalawang (2) unit ng mobile phones, isang (1) identification card, at buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Ang mga naarestong suspek ay kinilala bilang: alias “Bads,” 45 taong gulang at pangunahing tagapamahala ng drug den; alias “Joseph,” 22; alias “Junjun,” 27; at alias “Budoy,” 31. Lahat ng suspek ay residente ng Cotabato City at karatig na lugar.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA BARMM Jail Facility ang mga suspek habang naghihintay ng inquest proceedings kaugnay sa paglabag sa RA 9165, o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.


















