Tuloy-tuloy ang pagdurog ng 8th Infantry “Stormtroopers” Division sa Eastern Visayas Regional Party Committee (EVRPC) matapos ang magkakahiwalay na operasyon na nagresulta sa pagkasawi ng mga armadong miyembro at pagsuko ng ilan pang kasapi sa Northern Samar at Leyte.

Nitong Nobyembre 29, 2025, agad na rumesponde ang tropa ng 803rd Infantry “Peacemakers” Brigade sa ulat ng mga sibilyang inaabuso umano ng Communist-NPA-Terrorists (CNT) sa Barangay Nipa, Palapag, Northern Samar. Sa pagsalakay, tumambad sa mga sundalo ang pinatibay na kuta ng mga rebelde na may nakatanim na IHL-prohibited anti-personnel mines, dahilan upang gumamit ng precision fire support ang militar. Napatay dito ang isang CNT at nakuha ang limang high-powered firearms na kinabibilangan ng tatlong M16 at dalawang M14 rifle, kasama ang iba pang kagamitang pandigma.

Habang gumuho ang depensa ng grupo, agad na sinundan ng 78th Infantry “Warrior” Battalion ang mga nagtatakbuhang rebelde. Nagresulta ito sa dalawang panibagong enkwentro, isa pang CNT ang nasawi at nakumpiska naman ang isang Cal. 45 pistol.

Kinabukasan, Nobyembre 30, 2025, tatlong rebelde kabilang ang isang High Value Individual ang boluntaryong sumuko sa 93rd Infantry “Bantay Kapayapaan” Battalion ng 802nd Infantry “Peerless” Brigade. Isinuko rin ng grupo ang dalawang Cal. 45 pistol.
Ayon sa tokhang-surenderee na si alias “Alon,” dating commanding officer ng Front 41, halos wala nang kakayahang gumalaw ang EVRPC dahil sa pinaigting na operasyon ng militar na patuloy na nagpapahina sa kanilang base at impluwensya.

Giit ng 8th Infantry Division, malinaw na patunay ang magkakasunod na enkwentro at pagsuko na mabilis nang bumabagsak ang lakas-operasyon ng EVRPC. Tiniyak ng 8ID na hindi hihina ang kanilang momentum sa pagtugis sa natitirang mga CNT, habang nananatiling bukas ang kanilang pinto sa mga nais magbalik-loob at magbagong-buhay.