Matapos kumalat online ang exit message video ni Capt. Jerome Jacuba, beteranong sundalo ng Philippine Army, ibinahagi niya sa publiko kung paano siya naging disabled habang nagseserbisyo.
Bilang tugon, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Defense Secretary Gilbert Teodoro na muling suriin ang patakaran sa pag-discharge ng mga sundalo na nagiging ganap na disabled habang nasa tungkulin.
Matatandaan na noong Marso 2, 2016, nabulag si Capt. Jacuba habang nakikibahagi sa isang combat operation laban sa teroristang BIFF sa Brgy. Tee, Datu Salibo, Maguindanao.
Ayon kay LtCol. Ronald Suscano sa eksklusibong panayam sa Star FM Cotabato, naapakan ng kanyang kasamahan ang isang landmine na sumabog sa gitna ng clearing operation. Nasawi ang kasamahan, habang si Capt. Jacuba ay tinamaan ng splinters at buhangin sa kanyang mga mata.
Binigyang-diin din ni Suscano ang kanyang pasasalamat at tuwa dahil napansin mismo ng Pangulo ang sakripisyo ng kanyang tropa. Aniya, hindi biro ang combat operations, at labis ang kanyang pagpapahalaga sa patuloy na suporta ng pamahalaan, lalo na sa mga tulad ni Capt. Jacuba na nagdanas ng kapansanan habang tapat na nagseserbisyo sa bansa.

















