Ipinakita ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) nitong nakaraang Lunes ang datos mula sa pagdinig ng budget ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) para sa 2026, kabilang ang mga programa ng ahensya para tugunan ang mga natuklasang suliranin sa edukasyon sa rehiyon.
Ang EDCOM 2 ay isang komisyon ng Kongreso na inatasang suriin ang kalagayan ng edukasyon sa bansa at magrekomenda ng reporma upang mapabuti ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas.
Ayon sa datos ng komisyon, nakitaan ang BARMM ng mas mababang functional literacy kumpara sa buong bansa, na nasa 61.7% lamang kumpara sa pambansang average na 69.4%. Mataas din ang functional illiteracy sa rehiyon na 38.3%, mas mataas kaysa sa 30.6% sa buong bansa. Ipinapakita nito na maraming estudyante ang nakakabasa ngunit hindi lubos na nakakaunawa ng binabasa.
Sa aspeto ng guro, natuklasan na 34 sa 39 guro sa mga paaralan sa rehiyon ay mahina ang performance sa kanilang licensure examination, na nagmumungkahi ng kakulangan sa kapasidad ng mga institusyon sa paghahanda sa mga guro bago sila sumabak sa pagsusulit. Wala rin aniya sa BARMM ang tinatawag na center of excellence sa edukasyon, o institusyon na patuloy na nagpapamalas ng mataas na kalidad ng pagtuturo.
Nakakabahala rin ang mataas na drop-out rate sa kolehiyo, na umabot sa 90%, samantalang sa buong bansa ay nasa 35% lamang. Bukod dito, 18.7% lamang ng mga kabataang nasa tamang edad para sa kolehiyo ang nakakapag-aral, mas mababa sa pambansang 28.7%. Halos kalahati rin ng mga Grade 1 hanggang Grade 3 learners sa BARMM ay may antas na “low emerging” sa pagbasa, na nasa 49.44% kumpara sa 33.63% sa buong bansa.
Sa larangan ng nutrisyon, pinakamataas ang insidente ng mga suliranin sa BARMM na nakakaapekto sa pagkatuto ng mga estudyante. Nasa 34.3% ang stunting, samantalang ang pambansang average ay 23.6%. Ang insidente ng anemia sa rehiyon ay nasa 16.9%, mas mataas sa 11.4% sa ibang rehiyon, dulot ng mataas na household food insecurity na umaabot sa 48.2%, kumpara sa pambansang 31.4%.
Karamihan sa mga paaralan sa BARMM ay nahaharap din sa matinding classroom congestion. Sa labas ng National Capital Region, pinakamataas ang congestion sa rehiyon: Sulu – 95.7%, Maguindanao del Sur – 76.8%, Maguindanao del Norte – 74.8%, at Basilan – 74.5%.
Ayon sa EDCOM 2, ang mga datos na ito ay dapat magbunsod ng agarang aksyon mula sa MBHTE upang hindi lamang manatiling estadistika ang paghihirap ng kabataang Bangsamoro. Ang kinabukasan ng mga mag-aaral sa rehiyon ay nakasalalay sa mga desisyon at hakbang na gagawin ngayon.

















