Nasamsam ng mga awtoridad ang 505 kahon ng smuggled cigarettes na nagkakahalaga ng Php 19.8 milyon sa magkahiwalay na operasyon sa Barangay Kinudalan, Lebak, Sultan Kudarat noong Disyembre 4, 2025, bandang alas-2:54 ng hapon.

Pinangunahan ng Lebak PNP kasama ang mga katuwang na units at Bureau of Customs Gensan ang mga operasyon, alinsunod sa bisa ng search warrant laban kay alyas “Chong”, isang negosyante at residente sa lugar, dahil sa paglabag sa RA 10951 at RA 9516.

Sa unang operasyon, natagpuan ang 260 kahon ng smuggled sigarilyo na may iba’t ibang brand, na may kabuuang halaga na Php 10,215,000. Sa ikalawang operasyon naman, nakumpiska ang 245 kahon ng brand na Lasa at Brooklyn, na nakatambak malapit sa pampang ng dagat, na tinatayang nagkakahalaga ng Php 9,626,050.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Lebak PNP ang mga nasamsam na kontrabando para sa disposisyon at dokumentasyon. Ayon sa mga awtoridad, malinaw na paglabag ito sa umiiral na batas kontra smuggling at itinuturing na panganib sa ekonomiya ang ganitong uri ng iligal na kalakalan.