Nagdulot ng matinding abala ang biglaang power interruption sa Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Special Geographic Area ng BARMM, at North Cotabato kagabi, na tumawid pa hanggang ngayong Lunes, matapos magpatupad ng unscheduled shutdown ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Apektado ng brownout ang buong sakop ng Cotabato Light and Power Company, Cotelco-PPALMA, gayundin ang Capiton at Simuay Substations ng MAGELCO.

Batay sa ulat, natamaan ng ligaw na bala ang Kibawe–Sultan Kudarat 138KV line bandang 6:32 ng gabi, dahilan upang mawalan ng suplay sa malawak na bahagi ng rehiyon. Makikita pa sa kuhang video ng isang netizen ang pagliyab ng tore ng naturang linya bago tuluyang magdilim ang mga nabanggit na lugar. Mahigit magdamag isinagawa ang pag-aayos ng linya at natapos ito ng mga tauhan ng NGCP bandang 1:00 ng madaling-araw, Lunes.