Dalawampu’t limang indibidwal na umano’y kasapi ng mga lokal na armadong ekstremistang grupo ang sumuko sa militar noong Disyembre 5, 2025, sa 92nd Infantry Battalion headquarters sa Brgy. Salbu, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur.

Ipinresenta ni Lt. Col. Anacito C. Naz, commanding officer ng 92IB, ang mga sumuko—22 mula sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at tatlo mula sa Dawlah Islamiyah–Hassan Group (DI-HG). Kasama sa kanilang isinuko ang ilang loose firearms sa ilalim ng Small Arms and Light Weapons (SALW) program, na tinanggap ni Col. Rommel S. Pagayon, acting commander ng 1st Brigade Combat Team.

Dumalo rin sa turnover ang mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan at iba pang partner agencies. Ayon sa kanila, inaasahang makatutulong ang pagsuko sa pagpapababa ng tensyon at banta ng karahasan sa lugar.

Batay sa ulat ng 92IB, umabot sa 30 pirasong baril at ilang pampasabog ang isinuko ng grupo—isang bilang na itinuturing na may direktang epekto sa pagbawas ng kapasidad para sa armadong aktibidad sa Maguindanao del Sur.

Nagbigay naman ang mga lokal na opisyal at partner institutions ng food packs, welfare assistance, at pinansyal na tulong upang matugunan ang agarang pangangailangan ng mga sumuko habang sinisimulan nilang magbalik sa pamayanan at pumasok sa mga programang pangkabuhayan.
Ayon sa 92IB, magpapatuloy ang kanilang operasyon at peace efforts sa ilalim ng 1st Brigade Combat Team at 6th Infantry “Kampilan” Division/Joint Task Force Central upang mapanatili ang seguridad sa rehiyon.


















