Pormal na inilunsad ngayong Martes, December 9, 2025, ang Transitional Justice and Reconciliation (TJR) Roadmap ng Government of the Philippines (GPH) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa isang seremonyang ginanap sa Darapanan Gymnasium, Camp Darapanan.

Dinaluhan ang aktibidad ng mga peace stakeholders mula sa iba’t ibang sektor bilang suporta sa pagpapatupad ng roadmap na layong palakasin ang proseso ng paghilom, kapayapaan, at pagkakasundo sa Bangsamoro.

Pinangunahan ang programa ng mga pinuno ng Peace Implementing Panels: Cesar B. Yano, Chairperson ng GPH Peace Implementing Panel, at Mohagher Iqbal, Chairperson ng MILF Peace Implementing Panel. Kasama rin ang Technical Working Group on Transitional Justice and Reconciliation (TJR) na sina EDir. Cesar D. De Mesa para sa GPH TWG-TJR at Ammier M. Dodo para sa MILF TWG-TJR.

Ayon sa TWG-TJR, mahalagang hakbang ang roadmap para masiguro ang pagtugon sa mga isyu ng karahasan, historical injustices, at iba pang sugat ng nakaraan na naranasan ng mga komunidad sa Mindanao. Bahagi rin ito ng normalization efforts sa ilalim ng GPH–MILF peace agreement.

















