Bumuwag ang pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP) at Food and Drug Administration (FDA) sa isang ilegal na cooking oil operation sa Barangay Sta. Rita, Pinamalayan, Oriental Mindoro, noong Disyembre 4, 2025.

Sa ilalim ng pamumuno ni Acting Chief PNP PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., nakasamsam ang mahigit ₱1.8 milyon halaga ng umano’y unregistered cooking oil. Ang operasyon ay isinagawa ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Oriental Mindoro Provincial Field Unit, FDA Regional Office 4B, at Pinamalayan Municipal Police Station bilang bahagi ng PNP Focused Agenda para palakasin ang law enforcement at tiyakin ang kaligtasan ng publiko.

Arestado ang isang lalaking suspek na nakilala bilang “Mike,” empleyado ng isang pribadong kumpanya, dahil sa umano’y pagbebenta at pamamahagi ng cooking oil na walang kaukulang rehistro sa FDA, paglabag sa Food and Drug Administration Act of 2009. Nasamsam mula sa operasyon ang 43 pakete na naglalaman ng 2,615 bote ng cooking oil, na tinatayang nagkakahalaga ng ₱1,842,478.07.

Ayon sa FDA Act of 2009, ipinagbabawal ang paggawa, pag-angkat, pamamahagi, at pagbebenta ng mga food at health products nang walang permit mula sa FDA dahil maaaring magdulot ito ng panganib sa kalusugan ng publiko.

Pinuri ni Acting Chief PNP Nartatez ang mga yunit na nagsagawa ng operasyon at binigyang-diin ang dedikasyon ng PNP sa proteksyon ng mamimili:
“Hindi lamang kriminalidad ang aming tinututukan, kundi pati illegal activities na nagbabanta sa kalusugan ng publiko. Ang operasyon na ito ay patunay ng aming commitment para protektahan ang mga Filipino consumers,” ani Nartatez.

Dagdag pa niya, ang tagumpay ng operasyon ay alinsunod sa prinsipyo ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman. Muling nananawagan ang PNP sa publiko na maging mapagmatyag at agad i-report sa awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad na may kinalaman sa iligal na bentahan ng consumer products.