Nasawi ang kinikilalang pinuno ng Dawlah Islamiya–Hassan Group (DI-HG) na si Ustads Mohammad Usman Solaiman matapos ang ikinasang pursuit operation ng pinagsanib na puwersa ng militar sa ilalim ng 601st Brigade sa Barangay Satan, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato kay LtCol. Ronald Suscano, inihayag nitong dalawang minuto lamang ang palitan ng putok at nag-iisang neutralisado sa operasyon ang naturang lider.
Natunton ang kinaroroonan ng target matapos pagdugtung-dugtungin ng militar ang intel mula sa mga dating miyembro ng DI-HG na boluntaryong sumuko. Nasamsam din ang baril na personal na gamit ng suspek.
Kabilang sa mga karumal-dumal na ikinakabit sa DI-HG ang serye ng pambobomba sa mga pampasaherong bus tulad ng Rural Bus sa Parang, Yellow Bus sa Koronadal at Tacurong, Husky Bus sa Isulan Terminal, Ambush sa tropa ng 40IB sa Datu Hoffer, at At maging ang pagpatay sa tatlong negosyante mula Batangas.
Ayon pa kay Suscano, halos mauubos na ang grupo dahil sa patuloy na pagsuko ng kanilang miyembro, dahilan para kanya-kanya na ang taguan at umaasa na lamang sa mga kaanak upang makasilong.
Kaugnay nito, muling hinikayat ng militar ang mga natitirang kasapi ng DI-Hassan Group na magbalik-loob kaysa tuluyang sumunod sa sinapit ng kanilang lider.
Giit pa ng opisyal, napakahalaga ng suporta ng komunidad upang tuluyan nang mabuwag ang grupo at target nilang bago matapos ang taong 2025, tuluyang mawasak ang natitirang puwersa ng DI-HG.

















