Patay ang isang wanted criminal na si Norodin Andig, alyas “Kwag-Kwag,” na may kasong murder at frustrated murder, matapos makipagpalitan ng putok sa mga awtoridad sa Barangay Kaya-Kaya, Datu Abdullah Sangki, Maguindanao del Sur.
Ayon sa ulat, isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Rajah Buayan Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Lt. Joel S. Lebrilla, OIC, at ng 33rd Infantry Battalion sa pamumuno ni Lt. Col. Germen T. Legada, alinsunod sa arrest warrant na inisyu ng RTC Branch 13, Cotabato City. Habang sinusundan ang warrant, nanlaban ang suspek at nagpaputok ng baril kaya gumanti ang mga operatiba. Napatay si Andig at nakarekober ang mga awtoridad ng isang kalibre .45 na baril, kasama ang magasin at bala.

Kinilala si Andig bilang miyembro ng Dawlah Islamiyah Group at sangkot sa sunod-sunod na pamamaril sa iba’t ibang bahagi ng Maguindanao del Sur. Kabilang sa mga biktima niya sina Guiania Gulam Mantikayan, Baranda Kuta Abiden, Alamansa Ambiton na punong-guro ng Sapakan Central Elementary School, Samsudin Q. Sangeban, at Jabber Amil Ambal.
Ayon kay Brig. Gen. Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry Brigade, ipinapakita ng operasyon ang koordinadong aksyon ng pulis at militar sa pagpapatupad ng batas at pagpapanatili ng kaayusan sa komunidad. Patuloy na nanawagan ang mga awtoridad sa publiko na makipagtulungan sa pagbibigay ng tamang impormasyon upang tuluyang masugpo ang kriminalidad at mapanatili ang kapayapaan sa Maguindanao del Sur.


















