Nauwi sa pagkakaaresto ng isang suspek at pagsamsam ng smuggled cigarettes ang isang joint operation na isinagawa ng Maguindanao del Norte Provincial Police Office (PPO) noong Disyembre 13, 2025 sa Upper Capiton, Datu Odin Sinsuat.
Ayon sa ulat, nahuli ang suspek matapos itong mabigong magpakita ng kaukulang dokumento na magpapatunay sa legal na pagmamay-ari at transportasyon ng mga produkto. Narekober mula sa kontrol ng suspek ang sampung (10) kahon ng FORT cigarettes, na naglalaman ng limang daang (500) reams, na tinatayang nagkakahalaga ng Php 392,500.00 sa merkado.
Natagpuan ang mga nasamsam na sigarilyo sa loob ng minivan ng suspek na walang nakalagay na plate number. Ang suspek at ang mga nasamsam na produkto ay dinala sa Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station (MPS) para sa tamang proseso at pagsampa ng kaukulang kaso.
Binigyang-diin ni PBGEN Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng PRO BAR, ang buong suporta at pagkilala sa mga operating units sa matagumpay na operasyon, at inihayag na ang hakbang na ito ay patunay ng kanilang pagtutok sa paglaban sa smuggling at iba pang ilegal na gawain na nakakaapekto sa kaayusan ng publiko at kita ng pamahalaan.

















