Pinanawagan ng Bangsamoro Parliament ang agarang aksyon ng Bangsamoro Attorney General’s Office upang masolusyunan ang mga kasong nakabinbin sa Korte Suprema na maaaring makaapekto sa kaayusan ng kauna-unahang Bangsamoro parliamentary elections na nakatakdang ganapin sa Marso 30, 2026.
Ayon sa mga mambabatas, kritikal ang mabilis na desisyon ng Korte Suprema matapos nitong ideklara na labag sa konstitusyon ang ilang dating batas sa distrito. Anila, magiging gabay ito sa Kongreso, Commission on Elections, at pamahalaang Bangsamoro upang masiguro na maayos at legal ang pagpapatupad ng halalan.
Sa parehong sesyon, limang panukalang batas ang umusad sa ikalawang pagbasa matapos talakayin ng mga mambabatas na sina Adzfar Usman, Ramon Piang Sr., Hashemi Dilangalen, at Butch Malang. Saklaw ng mga panukala ang pagtatatag ng BARMM Badjao Development Project, mga provincial drug treatment at rehabilitation centers, permanenteng posisyon para sa Bangsamoro Board of Investments, pag-convert ng Upi Agricultural School sa Bangsamoro Tribal University, at pagpapabuti ng access sa malinis na tubig at sanitation.
Bukod dito, nagsampa rin ang mga mambabatas ng dalawang bagong panukalang batas para sa pagtatatag ng Salamat Hashim Boarding Madrasah at Bangsamoro Bureau of Quarantine.

















