Ayon sa opisyal na pahayag ng Bangsamoro Transition Authority (BTA), layunin ng Parliament Bill (PB) No. 407, na inihain noong Oktubre 28, 2025, na hindi lamang tumugon sa direktiba ng Korte Suprema hinggil sa pagpapawalang-bisa ng Bangsamoro Autonomy Act Nos. 77 at 58, kundi upang masiguro rin ang pagkakaroon ng valid at constitutional-compliant na batas sa distrito na magpapatibay sa demokratikong pamamahala at magsusulong ng prinsipyo ng inklusibidad at transparency sa rehiyon.

Ayon sa BTA, nakatuon ang PB No. 407 sa pagpapalakas ng political representation at patas na alokasyon ng mga pondo at resources sa lahat ng mga nasasakupang distrito. Sa pamamagitan ng malinaw na pagtukoy ng mga distrito base sa pinakabagong demograpiko at geographic data, layunin ng panukalang batas na tiyakin ang mas makatarungan at representatibong eleksyon, at masiguro na maririnig ang boses ng bawat komunidad sa proseso ng lehislatura.

Pinuri ng BTA ang lahat ng sumusuporta sa PB No. 407 at nanawagan sa mga stakeholders, kabilang ang mga lider ng komunidad, civil society, at publiko, na subaybayan ang agarang pagpasa ng batas sa distrito. Hinihikayat din ang mga kasapi ng Parlamento na unahin ang pampublikong interes at kumilos nang mabilis upang maipatupad ang batas bago matapos ang taon, na naglalayong bumuo ng mas representatibong Bangsamoro na nagbibigay kapangyarihan sa bawat mamamayan sa pamamagitan ng makatarungan at maayos na political boundaries.

Dagdag pa ng BTA, sila ay nakikiisa sa panawagan ng pamunuan ng Moro Islamic Liberation Front para sa pagsasagawa ng unang Parliamentary Election sa BARMM bago o sa taong 2026.

Ang pahayag ay nilagdaan nina MP Mohammad S. Yacob, MP Mohagher Iqbal, MP Eduard U. Guerra, DS Suwaib L. Oranon, MP Said Shibk, MP Said Z. Salendab, MP Ali Salik, at MP Abdulwahab Pak, kabilang ang iba pang miyembro ng Bangsamoro Parliament.