Idineklara ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang Disyembre 19, 2025, araw ng Biyernes, bilang Special Non-Working Holiday sa Lungsod ng Cotabato bilang paggunita sa Shariff Kabunsuan Day.
Sa ilalim ng Proclamation No. 00020, Series of 2025, nilagdaan ni Chief Minister Abdulraof A. Macacua, binigyang-diin na alinsunod ito sa Bangsamoro Autonomy Act (BAA) No. 39, na kumikilala sa pagdiriwang ng mga rehiyonal at lokal na pista opisyal upang mapangalagaan at mapalaganap ang kasaysayan, tradisyon, at kulturang pamana ng Bangsamoro at iba pang mamamayan sa rehiyon.
Bagama’t itinuturing na special working holiday ang Shariff Kabunsuan Day sa ilalim ng naturang batas, binibigyang-kapangyarihan ang Punong Ministro na baguhin ang petsa at uri ng pagdiriwang ng mga holiday sa pamamagitan ng isang proklamasyon, kung ito ay naaayon sa patakaran ng pamahalaang Bangsamoro.
Si Shariff Kabunsuan ay kinikilalang isang bantog na Muslim missionary at lider na nagpakilala ng Islam sa Mindanao, nagtatag ng Sultanato ng Maguindanao, at nagsilbing unang Sultan nito. Malaki ang naging impluwensiya ng kanyang mga aral at ambag sa paghubog ng relihiyoso at kultural na identidad ng BARMM.
Ayon pa sa proklamasyon, batay sa Republic Act No. 11054 o Bangsamoro Organic Law, itinatag ang Bangsamoro Commission for the Preservation of Cultural Heritage (BCPCH) na may pangunahing tungkuling isulat ang kasaysayan ng Bangsamoro at pangalagaan ang mga institusyong pangkultura sa rehiyon. Mariing inirekomenda ng BCPCH na ideklara ang Disyembre 19, 2025 bilang Special Non-Working Holiday sa Cotabato City bilang pagkilala sa mahalagang papel ni Shariff Kabunsuan sa pagpapalaganap ng Islam sa Bangsamoro at sa buong Pilipinas.
Dahil dito, sa bisa ng kapangyarihang ipinagkaloob ng batas, pormal na idineklara ni Chief Minister Macacua ang nasabing petsa bilang Special Non-Working Holiday sa lungsod.
Hinikayat ang lahat ng tanggapan ng pamahalaan, ahensya, institusyong pang-edukasyon, at pribadong sektor sa Cotabato City na makilahok at sumuporta sa mga gawaing magpapalalim ng kaalaman at pagpapahalaga ng publiko sa buhay at pamana ni Shariff Kabunsuan.
Agad na magkakabisa ang proklamasyon at ilalathala sa Bangsamoro Gazette o sa hindi bababa sa isang pahayagang may malawak na sirkulasyon sa BARMM. Nilagdaan ang proklamasyon sa Lungsod ng Cotabato noong Disyembre 18, 2025.

















