Nasamsam ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang halos P625,000 na halaga ng imported na secondhand na damit, o kilala bilang “ukay-ukay,” na walang wastong dokumento at permit mula sa mga awtoridad sa magkahiwalay na operasyon noong Disyembre 11 at 12, 2025. Kasama rin sa operasyon ang pag-aresto sa tatlong suspek.
Ayon sa ulat na natanggap ni Acting CIDG Director PMGEN Robert AA Morico II, dalawang babae na suspek na sina Angel at Elmie, parehong nasa tamang edad, ang naaresto sa isang raid ng CIDG Cebu noong Disyembre 11 sa Brgy. Paknaan, Mandaue City. Dito, nasamsam ang 51 bag ng iba’t ibang uri ng “ukay-ukay” na tinatayang nagkakahalaga ng P325,000.
Samantala, sa Bataan, isinagawa ng CIDG Bataan ang buy-bust operation sa Pleasant Homes St., Brgy. San Pedro, Hermosa noong Disyembre 12 mula alas-5 hanggang alas-7 ng gabi. Dito, naaresto si Arthur, 30 taong gulang, matapos mahuli sa pagbebenta ng 100 bag ng “ukay-ukay” na nagkakahalaga ng P300,000.
Binigyang-diin ng CIDG na ipinagbabawal ng batas ang importasyon ng mga secondhand na damit at basahan, maliban kung para sa aprubadong relief operations, bilang proteksyon sa kalusugan at dignidad ng publiko. Nakasaad ito sa Republic Act 4653. Pinayuhan din ng CIDG ang publiko na ang pagbili ng “ukay-ukay” ay maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan at kalinisan.
Ang tatlong suspek ay kinasuhan sa National Prosecution Service sa paglabag sa RA 4653, RA 7394 (Consumer Act of the Philippines), at RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).
Pinuri ng CIDG leadership ang matagumpay na operasyon sa pangunguna nina PCOL Grant A. Gollod at PCOL Christopher M. Bermudez, mga Regional Chiefs ng CIDG Regional Field Units 3 at 7; PMAJ Alexander D. Reyes ng CIDG Tarlac Provincial Field Unit; at PLTCOL Bryan ‘O Neil C. Salvacion ng CIDG Cebu Provincial Field Unit.
Iginiit ng CIDG na patuloy silang ipatutupad ang batas at labanan ang lahat ng uri ng krimen. Hinihikayat din nila ang publiko na i-report ang anumang ilegal na bentahan ng “ukay-ukay” sa kanilang lugar.

















