Pinarangalan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang 601st Brigade bilang Main Effort Brigade sa matagumpay na operasyon laban sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters–Karialan Faction (BIFF-KF) sa pamamagitan ng Campaign Streamer Award. Iginawad ang pagkilala noong Disyembre 19, 2025, sa pagdiriwang ng ika-90 anibersaryo ng AFP, kung saan personal na isinabit ang streamer ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kasabay nina Secretary of National Defense Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. at AFP Chief of Staff General Romeo S. Brawner Jr.

Ang pagkilala ay kaugnay ng pormal na deklarasyon ng pagkatalo ng BIFF-KF noong Nobyembre 19, 2025. Naganap ang operasyon na nagresulta sa neutralisasyon ng lider ng BIFF-KF na si Muhiden Animbang alyas “Karialan,” pati ang labing-isang (11) miyembro nito, sa Brgy. Kitango, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur noong Abril 22, 2024.

Ayon sa AFP, ang tagumpay ay bunga ng koordinado at pinagsamang operasyon ng 601st Brigade sa pamumuno ni Brigadier General Edgar L. Catu, katuwang ang 1st Brigade Combat Team (1BCT) at 1st Scout Ranger Battalion.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni BGen. Catu na ang parangal ay para sa lahat ng kasundaluhan na nakibahagi sa operasyon, at binanggit ang kanilang papel sa pagpapanatili ng seguridad at kaayusan sa mga komunidad. Samantala, inihayag din ni Major General Jose Vladimir R. Cagara, Commander ng Joint Task Force Central (JTFC) at 6th Infantry Division (6ID), ang kahalagahan ng koordinasyon ng iba’t ibang yunit sa operasyon.

Ang pagkakaloob ng Campaign Streamer Award ay bahagi ng selebrasyon ng ika-90 anibersaryo ng AFP, na muling nagpapatibay sa pagtutok ng kasundaluhan sa propesyonalismo, disiplina, at serbisyo sa kapayapaan at seguridad sa bansa.


















