Dalawang hinihinalang kasapi ng New People’s Army (NPA) ang napatay habang tatlong M16 rifles ang nakarekober ng mga tropa ng 20th Infantry (We Lead) Battalion sa isinagawang operasyon sa Barangay Bulao.

Ayon sa ulat, isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga residente tungkol sa mga armadong NPA na nang-iistorbo sa mga magsasaka at nagbabanta sa kabuhayan ng komunidad. Nang pagbabarilin ng mga NPA ang mga umuusad na sundalo, nagkaroon ng mabilisang engkwentro na nauwi sa pag-atras ng mga terorista at pagkamatay ng dalawang miyembro ng SRC ARCTIC na sakop ng Eastern Visayas Regional Party Committee.

Ipinahayag ni Lt. Col. Tim C. Clavel ang patuloy na dedikasyon ng kanilang yunit sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa mga komunidad. Samantala, tiniyak ni Mayor John Philbert S. Tan ang buong suporta ng lokal na pamahalaan sa mga hakbangin ng militar at hinikayat ang publiko na maging mapagmatyag.
Pinuri naman ni Brig. Gen. Carmelito T. Pangatungan ang operasyon bilang mahalagang hakbang laban sa insurgency at nanawagan sa natitirang miyembro ng NPA na sumuko at makibahagi sa programang reintegration ng gobyerno.

















