Arestado ang tatlong indibidwal matapos makuhanan ng humigit-kumulang 700 gramo ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation nitong alas-4:40 ng hapon, Disyembre 18, 2025, sa Zone 14, Barangay Calaparan, Arevalo, Iloilo City.
Kinilala ng pulisya ang mga suspek bilang alyas “Agi,” 37-anyos, walang trabaho at itinuturing umanong high-value individual; alyas “Gay,” 51-anyos, may asawa at construction worker; at alyas “Madi,” 46-anyos, dalaga at walang trabaho. Lahat ay residente ng Arevalo, Iloilo City.
Nasamsam mula sa mga suspek ang labing-apat na sachet ng hinihinalang shabu, buy-bust money, at ilang non-drug items. Isinagawa ang operasyon ng magkasanib na puwersa ng Iloilo City Police Office–City Drug Enforcement Unit, Regional Intelligence Unit 6, ICPO-Special Weapons and Tactics Team, at Philippine Drug Enforcement Group–Special Operations Unit 6.
Pinuri ng Police Regional Office 6 ang mga operatiba sa naging resulta ng operasyon at muling iginiit ang pagpapatuloy ng kampanya laban sa ilegal na droga, lalo na ngayong holiday season.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang mga naarestong suspek at sasampahan ng kaso sa paglabag sa Sections 5, 11, at 26 ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Ang mga naturang paglabag ay may katapat na parusang habang-buhay na pagkakakulong at multang mula ₱500,000 hanggang ₱10 milyon.

















