Pormal na nagpahayag ng kanilang buong at hindi matitinag na suporta ang Moro National Liberation Front–Islamic Command Council (MNLF-ICC) sa pamumuno ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Chief Minister Abdulrauf “Sammy” A. Macacua.

Sa isang opisyal na pahayag, iginiit ng MNLF-ICC na ang kanilang suporta ay nakabatay sa malinaw na pagkilala sa kasalukuyang kalagayan ng Bangsamoro at sa uri ng pamumunong kinakailangan upang maisulong ang pangmatagalang kapayapaan at tunay na awtonomiya sa rehiyon.

Ayon sa MNLF-ICC, mahalaga ang pagkakaisa at sama-samang pagkilos upang makamit ang matibay na kapayapaan. Pinuri ng grupo ang malinaw at tuwirang pamamahala ni Chief Minister Macacua, partikular ang kanyang matapang na paninindigan laban sa katiwalian na matagal umanong humahadlang sa pag-unlad ng Bangsamoro. Anila, ang adbokasiya ng malinis na pamahalaan ay kaakibat ng mga prinsipyong Islamiko ng katarungan, tiwala, at pananagutan.

Binigyang-diin din ng MNLF-ICC na matagal na nilang isinusulong ang pagkakaisa ng lahat ng sektor at paksiyon ng Bangsamoro. Nakikita umano nila sa pamumuno ni Macacua ang pagkakataon upang mapagtagpo ang magkakaibang panig at mapawi ang mga hidwaan sa nakaraan. Dagdag pa ng grupo, ang bukas na diyalogo ng punong ministro sa iba’t ibang sektor, kabilang ang mga lider ng MNLF na kasalukuyang bahagi ng pamahalaang BARMM, ay nakakatulong upang magsilbing tulay ang 1996 Final Peace Agreement at ang 2014 Comprehensive Agreement on the Bangsamoro para sa kapakinabangan ng lahat.

Habang papalapit ang kauna-unahang parliamentary elections sa Marso 2026, sinabi ng MNLF-ICC na kritikal ang panahong ito para sa kinabukasan ng Bangsamoro. Ayon sa kanila, kinakailangan ang matatag at desididong pamumuno upang maayos na makumpleto ang transition period. Ipinahayag ng grupo ang kanilang tiwala sa kakayahan ni Chief Minister Macacua na pamunuan ang Bangsamoro Transition Authority (BTA) hanggang sa pagtatapos ng transisyon at matiyak na handa ang mga institusyon ng pamahalaan sa maayos na paglilipat sa halal na pamunuan.

Dahil dito, hayagan at buo ang suportang ibinibigay ng MNLF-ICC kay Chief Minister Macacua at nananawagan sila sa lahat ng mapayapang mamamayan na makiisa sa mga lehitimong hakbang ng administrasyon para sa maayos na serbisyo publiko, makatarungang mga batas, at isang mapayapa at masaganang kinabukasan para sa Bangsamoro.

Nilagdaan ang pahayag noong Disyembre 16, 2025, sa Pagadian City, sa pangunguna ni Habib Mudjahab Hashim, Chairman ng MNLF-ICC.