Inaasahang mga 500 market vendors at 100 tricycle drivers sa bayan ng Upi, Maguindanao ang unti-unting lilipat sa digital payments matapos ang paglulunsad ng Paleng-QR Ph nitong Disyembre 12, isang hakbang upang itaguyod ang cashless transactions sa pampublikong transportasyon at mga lokal na palengke.

Ang Paleng-QR Ph ay pinangunahan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Department of the Interior and Local Government (DILG). Layunin ng programa na hikayatin ang paggamit ng digital payments sa pamamagitan ng national QR Ph standard, partikular sa mga nagtitinda sa palengke at mga operator ng tricycle.
Pinangunahan ang paglulunsad nina Jonathan Mantikayan, Executive Director II ng Bangsamoro Information and Communication Technology Office (BICTO), Upi Mayor Ma. Rona Cristina Piang-Flores, at Dr. Gregorio Baccay III, Acting Area Director ng BSP Cotabato Branch.
Ipinahayag ni Mantikayan ang buong suporta ng Bangsamoro Government para sa inisyatiba, at binigyang-diin ang kahalagahan nito para sa mga mamamayan, lalo na sa mga malalayong komunidad, upang hindi maiwan sa mabilis na pag-usbong ng digital transactions.
Inilahad naman ni Baccay III ang praktikalidad at kaginhawaan ng QR Ph system, na itinuturing niyang “game changer” dahil pinapadali, pinapaligtas, at mas mura ang araw-araw na transaksyon. Kailangan lamang ng mga vendor at driver na ipakita ang kanilang QR Ph code para ma-scan at makapagbayad ang mga customer, nang walang mahal na kagamitan.

Pinuri rin ni Mayor Piang-Flores ang programa, at sinabi nitong nakakatulong ito sa pagpapabuti ng serbisyo publiko at aktibidad pang-ekonomiya sa bayan. Dagdag niya, nakatitiyak itong magkakaroon ng mas madaling proseso sa pakikipagtransaksyon para sa bawat mamamayan.
Ayon kay Baccay III, 826 na lokal na pamahalaan sa buong bansa ang nakapagpatupad na ng programa bilang bahagi ng mas malawak na digital transformation ng bansa. Sa rehiyon ng Bangsamoro, ang Upi ang ikatlong LGU na sumali, kasunod ng Cotabato City at bayan ng Parang.
Tinanggap ng mga lokal ang programa nang positibo. Isa si Israfil Pasawiran, tricycle driver na may sampung taong karanasan, na nagpasalamat sa LGU sa pagpapakilala ng digital payments sa kanilang lugar. Aniya, bagama’t bago sa kanila ang paggamit ng QR code, ito ay isang magandang oportunidad upang matuto at makasabay sa makabagong paraan ng pagbabayad.
Ang pagpapalaganap ng digitalization sa rehiyon ay kabilang sa Enhanced 12-Point Priority Agenda ng Bangsamoro Government.


















