Nadakip ng Philippine National Police ang isang dayuhang pugante na nagtatago sa isang resort community sa Cebu, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng PNP laban sa mga transnational criminal sa ilalim ng pamumuno ni PNP Acting Chief PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr.
Bandang alas-4 ng hapon noong Disyembre 18, 2025, inaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Lapu-Lapu City Field Unit, katuwang ang Bureau of Immigration, ang isang 61-anyos na Amerikanong lalaki na residente ng California, USA, sa isang beachfront residential resort sa Mactan, Cebu.
Isinagawa ang pag-aresto batay sa BI Mission Order No. 2025-391 para sa pagiging undesirable alien, kaugnay ng arrest warrant na inilabas ng United States District Court noong Disyembre 4, 2025.
Ang suspek ay nahaharap sa mga kasong Transportation with Intent to Engage in Criminal Sexual Activity at Engaging in Illicit Sexual Conduct in Foreign Places. Matapos ang operasyon, isinailalim ang dayuhan sa kustodiya ng Bureau of Immigration para sa dokumentasyon at kaukulang proseso.
Ipinapakita ng matagumpay na pagdakip ang pagpapatupad ng PNP Focused Agenda, partikular sa Enhanced Managing Police Operations, kung saan epektibong naipatupad ang mga legal na kautusan upang matunton at mahuli ang mga puganteng sangkot sa mabibigat na krimen sa ibang bansa.
Ayon kay PLTGEN Nartatez, “Ipinapakita ng pag-arestong ito na hindi magiging kanlungan ang ating bansa ng mga taong umiiwas sa pananagutan. Hindi namin hahayaan na gamitin ang Pilipinas bilang taguan ng mga sangkot sa mabibigat na krimen.”
Dagdag pa ng PNP chief, patuloy ang organisasyon sa pagtugis sa mga banta sa seguridad ng publiko. “Hindi kami uurong sa pagpapatupad ng batas laban sa mga kriminal na nagtatangkang umiwas sa hustisya,” ani Nartatez.

















