Pormal nang nilagdaan noong Disyembre 16, 2025, ang Bangsamoro Autonomy Act No. 82 o mas kilala bilang Bangsamoro Labor and Employment Code (BLEC) of 2025, na naglalayong palakasin ang proteksyon ng mga manggagawa at isulong ang patas na pamamalakad sa trabaho sa buong rehiyon.
Pinangunahan ng mga opisyal ng Bangsamoro ang seremonya ng pagpirma ng batas na nagtatakda ng pamantayan para sa patas na sahod, mas ligtas na lugar ng trabaho, at mas matibay na proteksyon para sa mga manggagawa, na kinikilala bilang pangunahing tagapagpaunlad ng ekonomiya ng rehiyon. Layunin din ng batas na mapanatili ang balanse sa pagitan ng manggagawa at pamamahala, upang ang pag-unlad at produktibidad ay hindi maging kapinsalaan sa kapakanan ng mga manggagawa.
Pinuri ni Interim Chief Minister Abdulraof Macacua ang Bangsamoro Parliament sa pag-apruba ng batas. “Ipinapakita ng pagpirma na ito kung paano nagkakaroon ng tiwala sa pamahalaan—sa malinaw na layunin, matibay na aksyon, at pananagutan sa resulta,” ani Macacua. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagpapatupad ng batas: “Ang signing na ito ay walang saysay kung hindi ito ipatutupad. Kaya kailangan natin itong ipatupad.”
Ayon kay BTA Parliament Speaker Mohammad Yacob, ang BLEC ay higit pa sa isang legal na dokumento. “Ito ay pagpapakita ng ating adhikain na bumuo ng isang makatarungan at makataong lipunan kung saan ang paggawa ay pinapahalagahan, protektado, at may kapangyarihan,” paliwanag ni Yacob.
Ani Member of Parliament Romeo Sema, pangunahing may-akda ng Code, mahalaga ang labor sa paglago ng rehiyon. “Ang paggawa ang puso ng nation-building. Bawat manggagawa, employer, at negosyo ay bahagi ng pag-unlad ng ating rehiyon,” diin niya.
Pinaliwanag ni Sema na ang mga nakaraang batas tungkol sa paggawa ay hindi ganap na sumasalamin sa realidad, kultura, at hangarin ng Bangsamoro. Kaya’t binuo ang BLEC upang maprotektahan ang karapatan ng mga manggagawa, isulong ang produktibong employment, panatilihin ang balanse sa relasyon ng labor at management, pahalagahan ang kultura at Islamic values ng rehiyon, at tiyakin na ang paglago ng ekonomiya ay hindi kapinsalaan ng manggagawa. Sa ganitong paraan, sabay na umuusad ang produktibidad at proteksyon ng mga manggagawa sa rehiyon.

















