Batay sa isinagawang imbestigasyon ng CCPO, lumitaw na kapwa may nagawang paglabag ang dalawang panig na naging dahilan ng paglala ng sitwasyon. Matapos ang masusing pagsisiyasat, nagkaroon ng maayos at mapayapang kasunduan ang CTTMC personnel at ang tricycle driver, kung saan kapwa nila inamin ang kani-kanilang pagkukulang at nagpahayag ng kahandaang resolbahin ang usapin nang hindi na humantong sa mas seryosong alitan.

Ang nasabing amicable settlement ay pinangasiwaan ni Cotabato City Mayor Mohammad Ali Bruce Matabalao upang matiyak ang makatarungan at mapayapang pagresolba sa insidente.

Bilang bahagi ng pagpapatupad ng disiplina at pananagutan, pinatawan ng reprimand ang CTTMC personnel at pansamantalang inilipat sa office duty dahil sa kanyang naging asal sa insidente. Samantala, ang tricycle driver naman ay binigyan ng citation ticket dahil sa paglabag sa mga patakaran sa trapiko.

Para sa wastong dokumentasyon at upang magsilbing paalala laban sa kahalintulad na pangyayari, ang insidente ay opisyal na naitala sa police blotter.

Muling iginiit ng CCPO ang kanilang pangako sa patas, walang kinikilingan, at malinaw na pagpapatupad ng batas, kasabay ng paalala sa lahat ng traffic enforcers at motorista na pairalin ang propesyonalismo, pagpipigil sa sarili, at paggalang sa batas sa lahat ng oras.