Arestado ang isang dating miyembro ng Philippine National Police na matagal nang itinuturing na AWOL matapos isilbi sa kanya ang warrant of arrest kaugnay ng kasong malversation sa Cotabato City.

Isinagawa ang pag-aresto bandang alas-sais ng gabi noong Disyembre 25, 2025 sa Rajah Tabunaway Boulevard, Barangay Poblacion 5.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Rizza,” 29-anyos, dating nakatalaga sa Regional Drug Enforcement Unit–BAR at residente ng Rosary Heights 5 sa lungsod.

Ayon sa pulisya, ang warrant ay inilabas ng Regional Trial Court Branch 14 ng Cotabato City kaugnay ng paglabag sa Article 217 ng Revised Penal Code. Ang kasong ito ay may inirekomendang piyansa na ₱120,000.

Matapos ang pag-aresto, dinala ang akusado sa Police Station 1 kung saan siya kasalukuyang nasa kustodiya para sa dokumentasyon at paghahanda sa kanyang pagharap sa korte.

Pinangunahan ang operasyon ng Regional Mobile Force Battalion 14-A katuwang ang tracker team ng Police Station 1, kasama ang CCPO–Criminal Investigation Unit, CCPO–City Mobile Force Company, at RIU 15.

Patuloy namang iginiit ng pulisya ang kanilang pagtutok sa paghahabol sa mga indibidwal na may nakabinbing warrant, lalo na yaong may kinahaharap na seryosong kasong kriminal.