Inilunsad ng Bangsamoro Government noong Disyembre 12 ang Shari’ah Public Assistance Office (SPAO), isang bagong tanggapan na magbibigay ng libreng serbisyong legal sa mga indigent Bangsamoro constituents.

Ayon sa impormasyon mula sa pamahalaang Bangsamoro, ang SPAO ay magsisilbing legal assistance office para sa mga kasong saklaw ng Shari’ah law, kabilang ang mga usapin sa pamilya, mana, ari-arian, at iba pang sigalot sa komunidad.

Sa inilabas na pahayag ng Office of the Chief Minister, sinabi na layunin ng SPAO na punan ang kakulangan sa access ng mga kapos-palad na mamamayan sa serbisyong legal na naaayon sa Shari’ah at kultura ng Bangsamoro.

Samantala, ayon kay Arsad Abdulrahman, Director III ng SPAO, magbibigay ang tanggapan ng cost-free legal consultation at tulong sa mga kwalipikadong indibidwal, alinsunod sa umiiral na mga patakaran at batas ng Bangsamoro.

Kasabay ng paglulunsad ng tanggapan, iniharap din ang draft Executive Order para sa pormal na pag-activate ng SPAO alinsunod sa Bangsamoro Administrative Code. Isinagawa rin ang pilot legal consultation bilang paunang bahagi ng operasyon ng opisina.