Magsisimula na sa darating na Enero 2, 2026 ang pagpoproseso ng renewal ng mga business permit ng Cotabato City Business Permits and Licensing Office (BPLO).

Ayon sa BPLO, ipatutupad ang extended office hours upang matugunan ang inaasahang pagdagsa ng mga kliyente at upang mapabilis ang transaksyon.

Batay sa inilabas na paalala ng City Government, tatanggap ng aplikasyon ang BPLO mula Lunes hanggang Biyernes, alas-8 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi, habang tuwing Sabado naman ay mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Pinaalalahanan ng BPLO ang mga negosyante na tiyaking kumpleto ang mga dokumento at requirements na kanilang dadalhin upang maiwasan ang abala at posibleng multa.

Para sa mga magre-renew ng permit, kinakailangang isumite ang lahat ng dokumentong kailangan upang agad na maisagawa ang renewal process.

Samantala, para naman sa mga bagong negosyo, pangunahing kinakailangan ang Barangay Clearance mula sa lugar na pagtatayuan ng negosyo, gayundin ang iba pang kaukulang papeles para sa sole proprietorship, partnership, corporation, o cooperative.

Sa huli, hinihikayat ng City LGU ang lahat ng negosyante sa lungsod na mag-renew o mag-apply nang mas maaga upang maiwasan ang abala at matiyak ang maayos, mabilis, at tuloy-tuloy na operasyon ng kanilang negosyo sa paparating na bagong taon.